Simula.
Nagsusulat tayo dahil tayo ay mga mortal lamang.
Pinipilit nating ipreserba ang ating mga sarili, pinipilit nating maalala ang mga munting bagay na nagbigay ng kabuluhan sa pag-iral natin sa mundo. Mula sa mga impormasyon, numero o anupamang relebante o irelebanteng datos na kailangan nating alalahanin mamaya, bukas o sa makalawa, hanggang sa mga pinakatinatago nating mga nararamdaman – isang liham, tula, o kwento – naririyan ang panulat bilang tagasalo ng ating mga angas, haka-haka o muni-muni bago mabura ang lahat sa ating memorya. Natatakot tayong lumisan sa mundo ng walang maiiwanang kahit ano, kaya nais nating magpa-uso ng mga kataga, nais nating mag-iwan ng mababalikan ng iba, nang matuto sila sa ating mga karanasan, nang hindi na tularan ang ating mga pagkakamali o nang ituloy ang anumang hindi natin inabot na gawin.
Nagsusulat tayo dahil magulo ang mundo.
Sa bilis ng mga pangyayari sa pang-araw-araw na buhay, nakikita natin ang kaayusan naihahatid ng panulat, na tila ba tumitigil ang lahat ng bagay sa tuwing nakakapagbasa tayo ng panulat ng iba, nababaling ang ating tingin sa mga titik na nagbibigay buhay sa ating pagkakaunawaan bilang mga tao. Nagsusulat tayo dahil nais nating maghatid ng kasiguraduhan, nais nating magkaroon ng seguridad sa ating mga iniisip, at nais nating tiyakin na tayo ay mga hindi baliw.
Nagsusulat tayo dahil tayo ay mga mangmang lamang, mga mangmang na mayroon lamang ay panahon.
Hindi natin alam ang lahat ng bagay, kaya ninanais nating gamitin sa produktibong pamamaraan ang ating mga patay na oras – nang magmukha tayong may alam at nang hindi tayo lagi tulala sa kawalan.
Tulad ng iba, ilan lamang iyan sa aking mga dahilan kung bakit ako nagsusulat. Subalit sa pag-ungkat ko sa kasagutan ng aking mga katanungan sa lipunan, sumidhi ang kagustuhan kong hanapin ang wastong dahilan sa panulat. Nagpatuloy ang paghahangad kong mas maging matalas ang aking pluma – kaya pinili kong mamasyal at busisiin ang mga lugar at pangyayari.
Sa ganitong paraan, napadpad ako sa lansangan, mga komunidad sa tabing riles at maralitang lungsod, sa gitna ng piketlayn ng mga pabrika, sa labas ng paaralan – kung saan naroon ang bukambibig ng mga aktibista na “matinding pagsasamantala”. Sa ganitong paraan, nalaman ko ang mga bagay na hindi ko nalaman sa loob lamang ng mga libro, o sa loob lamang ng pagbabasa, nakita ko at naunawaan ang kaayusan ng mga bagay-bagay na hindi ang Bathala ang nagtakda kundi kapwa tao.
Gusto kong magsulat muli, ngunit mas gugustuhin kong magsulat ng higit pa at hindi tulad ng dati. Wala akong pag-aalinlangan sa mga panahon na binitawan at bibitawan ko ang aking pluma upang magkaroon ng pagkakataong makisangkot. Ang tunay na pagsusulat ay pakikisangkot. Maraming mga bagay ang dapat pang maisulat at mas higit pa ang nangangailangan ng ating kakayanan at kahusayan.
Totoong napakalimitado lamang ng panulat upang sagutin ang ating mga problema, napakalimitado ng kakayanan ng isang manunulat, kahit gaano pa man siya kahusay sa paggamit ng mga salita o berso – dahil nga (ang sabi ng isang makata) hindi nakakain ang mga salita, dahil nga hindi naman nito nabibigyan ng maayos na pamumuhay ang mga kapuspalad at mga inaapi.
Kaya naniniwala akong ang pagsusulat ay hindi na lamang dapat nakakulong sa mismong pagsusulat kundi ito dapat ay kakambal na ng pagsisilbi.
Sa ganitong proseso, hindi na lamang tayo nagsusulat para sa mga sarili natin, hindi na lamang tayo nagsusulat upang magwaldas ng oras o magmukhang matalino, hindi na lamang tayo nagsusulat ng dahil natatakot tayong mamatay ng hindi naaalala.
Dahil sa mismong pagsisilbi, nababago natin ang magulong mundo, nabubuhay tayo ng higit pa sa pagtibok ng ating mga puso at paghinga ng ating mga baga; sa madaling sabi, “pag-aalay ng buhay sa iba”. Pag-aalay na walang ibang kapalit kundi ang mithiing ng tunay na paglaya.
Ang pagsisimula ng blog na ito ay isang pagharap sa ganitong mga layunin… sa pagkumpas ng yapak, pluma at diwa.